Valiente ng TV5, Lalong Umiinit Ang Kuwento
Walang duda kung bakit minamahal ng sambayanan ang kuwento ng Valiente nang una ito ipinalabas dalawang dekada na ang nakalipas. Kahit na lumipat ito ng istasyon noon, sinundan pa din ito ng mga manonood dahil mahirap bumitiw sa napakagandang kuwento nito.
Ang natatanging kuwentong ito ay natutunghayan na sa bagong henerasyon sa pamamagitan ng dramaseryeng Valiente na napapanood na ngayon sa primetime ng TV5. Hindi matawaran ang ganda ng produksiyon ng makabagong Valiente na sumasailalim sa masusing direksyon ng multi-awarded director na si direk Joel Lamangan.
Mabilis ang takbo ng kuwento ng Valiente at bawat eksena ay tumatatak sa mga manonood. Matapos ang pagkamatay ni Don Armando Braganza (Mark Gil), bulgar na ang kasakiman ni Doña Trining (Jaclyn Jose) na handang gawin ang lahat maangkin lang ang yaman at kapangyarihan ng yumaong asawa. Naganap na ang aksidenteng kumitil sa buhay ni Luming Valiente (Gina Alajar) sa kagagawan ng anak ni Doña Trining na si Theo (Oyo Sotto). Gaano katagal kayang itago ng mag-ina ang sikretong ito na siguradong sisira sa matalik na pagkakaibigan ni Theo Braganza at Gardo Valiente (JC De Vera)?
Sa kasalukuyang takbo ng kuwento, nagbalik na sa hacienda ang magkakapatid na Braganza na sina Theo, Leona (Nina Jose) at Maila (Nadine Samonte) at muli nilang nakasama ang kaibigang si Gardo. Sa kabila ng umiinit na pag-aaklas ng mga trabahante ng Hacienda Braganza sa hindi makatarungang pagtrato sa kanila ni Doña Trining, uusbong ang pagmamahalan sa pagitan nina Gardo at Maila, na pipilitin namang sirain ni Leona.
Ngayong mga binata’t dalaga na ang mga karakter nina Gardo Valiente at Theo, Leona at Maila Braganza, tuloy-tuloy ang maiinit na tagpo ng hindi mabitiwang kuwento ng Valiente. Tutukan ang paglalim ng pag-iibigan at pagkawasak ng pagkakaibigan sa Valiente, mapapanood gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Nandito Ako sa TV5.
Para sa esklusibong impormasyon tungkol sa Valiente, maging fan on Facebook at follower on Twitter: http://www.facebook.com/TV5Valiente | https://twitter.com/#!/Valiente2012